Huwebes, Disyembre 8, 2011

Warrior: isang rebyu

Isang counter left hook na ibinigay mula sa tila hindi balansiyadong tayo; magugulat ka na lamang at parang trosong tumimbuwang ang tinamaan. Tulog at nahiya nang bumangon; wala pang 20 segundo sa laban. Si Tommy Conlon (Tom Hardy), ang may-ari ng pamatay na left hook, ay nagbigay ng pahayag sa suntok na iyon sa kanyang unang laban. Nandoon siya sa Sparta tournament, isang winner-take-all na labanang MMA (Mixed Martial Arts) upang manggulpe, magpatulog at manalo ng 5 milyong dolyar.

Walang imik siyang lumabas ng octagon habang Hindi pa tapos bilangan ang kalaban at wala pang naideklarang panalo. Tahimik, misteryoso, seryoso at punong-puno ng pigil na galit, iyan ang karakter ni Tom sa pelikulang Warrior na idenirihe ni Gavin O’Connor. Siya ang nakababatang kapatid ni Brendan (Joel Edgerton), isang dating manlalarong MMA na naging guro ng physics sa isang mataas na paaralan, isang di-gaanong kahusayang wrestler/grappler. Isang perpektong underdog.  Ang dalawa ang magiging sentral na drama ng Pelikula at sentral na tunggalian sa loob at labas ng octagon. Ito ang klasikong banggaan ng isang ‘striker’ na umaasa sa panggugulpi at pagpapatulog upang manalo, at ng isang ‘wrestler’ na nakasandig sa kasanayan sa labanang-nakahiga upang mapwersang mag-tap-out ang kalaban.

Mapupuri mo ang pelikulang Warrior hindi lamang sa mahusay na koryograpi ng maaaksyong labanan, kundi pati sa madamdaming pagganap ng mga pangunahing tauhan. Gayundin, mas higit pa sa bayolenteng bakbakan sa loob ng octagon, isa itong kwento ng pamilyang winasak ng alak, panggugulpi, pagkamuhi at pagkamatay. Isa itong gasgas na istorya ng pagkawasak at pagkabuo, ng paglagpak at pagbangon. Gasgas na kwentong nakamamanghang nadala ng may isang lebel ng kahusayan ng pelikula. 

Ang kanilang ama, si Paddy (Nick Nolte), ay dating boksingero na nabaling sa alak. Isang walang kwentang ama na laging lasing at nanggugulpi ng mga anak at asawa. Ito ang ugat ng pagkawasak ng pamilya Conlon—lalayasan siya ng kanyang noo’y maysakit na asawa at ng kanyang dalawang anak. Subalit hindi magagawang sumama ni Brendan sa kanyang ina at kapatid sapagkat buntis ang kanyang kasintahan. Sa piling ni Tommy babawian ng buhay ang kanilang ina; ang galit ni Tommy sa kanyang kapatid ay kasingtindi na ngayon ng suklam na nadarama niya sa kanyang ama.

Pagtatagpuin muli ang tatlo ng madugo at marahas na daigdig ng MMA; bawat isa ay may kanya-kanyang motibasyon: si Tom ay sasali upang maibigay ang mapapanalunang premyo sa naiwang pamilya ng kaibigang sundalo na napatay sa isang friendly fire sa Iraq; si Brendan ay kinakailangang balikan ang daigdig na ito upang maisalba ang bahay na iniilit ng bangko; habang ang kanilang ama na siyang magsasanay kay Tom ay pilit ginagawa ang lahat upang buuin ang nawasak na pamilya—isa siyang repormadong lasenggo habang hindi naman matuwain ang mga anak sa ideya ng pagpapatawad at pangkaraniwang litanya sa pilikula ang insulto ng mga anak na tinanggap niyang lahat. 

Ang tensyon ng pamilya ang bubuo sa kontradiksyon magpapainog pilikulang ito. Ang tensyong tutungo sa klaymaktikong labanan sa pagitan ng magkapatid sa kampeonato ng Sparta. Sa kabila ng mahusay na koreograpi ng mga labanan at ng mahusay na pagganap ng mga pangunahing tauhan, hindi naman naitago ng pilikula ang mga litaw na sablay nito. Lubhang maraming mga sub-plots na walang resolusyon at malabo ang pinanggalingan at papel sa pilikula: ang isyu hinggil sa droga ni Tom na hindi na muling maririnig matapos kumpiskahin ng ama ang tatlong bote ng droga, ang isyu hinggil sa naiilit na bahay na bigla na lang lumitaw, ang malabong pinanggalingan ng lakas at kakayahan ni Tom na magpatulog ng mga mahuhusay na propesyunal na kalaban at ang kanyang kwento ng kabayanihan sa Iraq. Hindi mo rin kinakailangan ng doktoral na diploma upang mahulaan ang napipintong paghaharap ng magkapatid sa kampeonato ng Sparta.  

Hindi na nakakatuwang makitang itinampok ng pilikula ang komersiyalisasyon ng larong lubhang kumakapit sa kagustuhan ng mga manonood na makakita ng mararahas na salpukan ng dalawang tao—ang kanser na sumisira sa siyensya at artistikong aspeto ng isang metodikal at taktikal na labanan sa loob ng octagon (o ng ring sa larong boksing). Ang komersyalisasyon na nagsabing ‘cage’ ang ibansag sa octagon, isang malinaw na pagtutulad sa labanang-hayop dahil sa likas na karahasan ng laro. Walang kahihiyan din ang pilit na pagtatapat ng isinalarawang barumbado, marahas at hindi-sibilisadong estilo ng ‘striking’ at ng may relatibong-hinahon na kalikasan ng ‘grappling,’ ‘wrestling’ o ‘ground fighting.’  Ang banggaan ng magkaibang estilong binigyang katauhan ng karakter nila Tom at Brendan—ang dahas at hinahon. Ang pagtatapat ng dalawang magkaibang estilong nakakasukang pilit na itinulad sa lubhang-gasgas na pag-aaway ng “sibilisado at mahinahong” daigdig ng kapitalismo laban sa “marahas at atrasadong” daigdig ng komunismo. Ang labanan na dinala ng mga karakter ni Brendan at Koba (Kurt Angle), ang walang-talong manlalaro ng Rusya na ipinakilalang halimaw na uhaw sa dahas at dugo.

 Ito ang mga maling steryotayping na pilit ipinakain sa mga manonood; ang steryotayping na pilit nagpapakipot sa taktikal na yaman ng labanang MMA. Ang metodikal na pagpapahina, pagpapabagsak at pagpapasuko sa kalabang may sariling apresyasyon sa eksekyusyon ng mga kilos ng iba’t-ibang klase ng martial arts ay lubhang artistiko at siyentipiko na pinababaw ng mga steryotayping sa pilikula; gayundin, walang kinalaman ang estilo sa laro sa pagiging kapitalista at komunista ng isang bansa. Bumenta na ito sa pilikulang Rocky IV kung saan nagharap sa ibabaw ng ring ang aykonikong boksingerong piksyunal na si Rocky Balboa at ang higanteng manlalaro ng USSR na si Ivan Drago, boskingerong kargado ng steoroids at may marahas na estilo sa pakikipaglaban. 

Sa kabila ng mga litaw na sablay ng pilikula, mahusay pa ding nadala ang drama ng pamilya at tensyon ng mga labanan. Nakakatuwa ang eksena kung saan dumalo ang asawa ni Brendan sa kanyang laban kay Koba, ang pinadelikadong labanan sa pilikula, upang magbigay ng “I love you” bilang pagpapahayag ng buong suporta sa muling pagyakap ng asawa sa daigdig na napagkasunduan nilang talikuran. Isang makata at romantikong eksenang swak na swak na nagpagaan sa tensyonadong atmospera ng marahas na labanan. 

Gayunpaman, hindi sasapat ang mga husay na nabanggit upang makadikit man lamang ang Warrior sa Rocky I ni Silvester Stallone, ang pilikulang mahusay na pagpapakita sa makatotohanang daigdig ng Boksing: mula sa kwento ng kahirapan patungong pagyaman, sa kawalang mukha patungong pagiging sikat hanggang sa korapsyon, ego at komersiyalisasyong nakakulapol na sa laro. Kahit pa walang kahihiyang ginaya ng Warrior ang ending ng bawat pilikulang Rocky: is Brendan, yakap-yakap ang kapatid na tinalo niya sa laro habang palabas sa pinaglabanang lugar—tagumpay at buo sa bakgrawnd ng palakpakan at hiyawan ng mga manonood na katatapos lamang makamalas ng isang madugong labanan.

                “Women weaken the legs,” Mickey Goldmill kay Rocky Balboa
                “Must be tough to find a girl who could take a punch nowadays.” Tommy kay Paddy Conlon

Nakaugat pa din ang mga mararahas na labanang propesyunal na ito sa seksismo.

(December 2, 2011) 

Warrior Official Trailer 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento